Saturday, July 5, 2008

Bilanggo

para kay kuya manuel na nagbigay inspirasyon sa talatang ito.

Paalis ako papauntang Baguio dala-dala ang maletang hiniram ko kay Allan na ang laman ay puro miniskirt at shorts (dahil naniniwala ako sa kasabihang pack light na ako din naman ang nagimbento). Nadaanan ko si Kuya Manuel umiinom dun sa kanto.

"Makikipagdate ka na naman," ang sabi niya.

"Hindi noh. Papasok ako sa opisina," palusot ko. Kahit na alam na ng buong baranggay sa min na tuluyan na kong nagretiro sa pagiging "kolgirl".

Bakit nga ba ako tinamad sa pagtratrabaho? Yun ang tinatanong ko sa aking sarili habang inaakyat namin ang ecotrail sa Camp John Hay. Rasyonal ba ang dahilan ko? Dahil lang sa batugan ako at ayaw ko ng magtrabaho? O marahil ayokong makulong sa isang mundong puno ng bawal kung saan bawat galaw at pindot mo sa telepono ay narerekord, bawat cr at lunch break ay inoorasan at bawat salita ay dapat naayon sa "call flow". Siguro nga.

Sabi nga nila masyado kong mahal ang aking kalayaan. At bakit hindi, ipinaglaban pa yan nila Rizal at Bonifacio at maging ng mga ninuno nating nawalan na ng mukha at pangalan. Hindi ba't nararapat lang na ipagpatuloy ang laban? Makibaka para sa kalayaan! (Patalsikin si Gloria!!!)

Subalit ngayon, pagkalipas ng labingsiyam na araw kong pagiging istambay, limang araw ng bakasyon sa Baguio, anim na oras pagkagaling sa Laguna at Tagaytay, apatnaputpitong minuto matapos kong malaman na patay na si Kuya Manuel ay napagmunimuni ko na ako'y nagkamali rin. Ang kalayaan hindi natatamo sa pagtalikod sa digmaan. Hindi rin nakukuha o naibabalik. Hindi dahil istambay ka ay malaya ka na. Hindi naman dun natatapos ang mga bawal sa mundo. Walang taong ipinanganak na malaya. Hindi pa nga tayo naisisilang bilanggo na tayo ng pangarap ng ating mga magulang. "Tong anak kong to, magiging boksingero to pag laki kagaya ni Manny at ibibili ako ng mansyon at magagarang auto." Bilanggo na tayo ng ating pangalan at apelyido, kasarian, bansa, relihiyon, kultura at kung anu-ano pang tanikala. Bilanggo na tayo bago pa man naging tao at marahil ang mundong ito ang ating Bilibid.

Kaya para sa iyo Kuya Manuel na madalas kong makita sa kanto, umiinom o minsan naman ay nagpapaypay ng barbeque - maswerte ka. Laya ka na.

1 comment:

artemis said...

woooow! makata ka talaga, i'm hooked reading your blog, taga- UP ka ba o Ateneo?